Thursday, October 5, 2006

Mahirap Talaga Ang Walang Kausap

Kakatapos ko lang basahin ang pinakahuling libro ni Bob Ong na pinamagatang Stainless Longganisa. Kanina lang habang binabasa ko yun, naisip ko na antagal ko na palang hindi nagsusulat sa Tagalog.

Bakit nga ba English ang gamit ko sa blog ko? At hindi lang sa blog, sa halos lahat nga isulat ko. Ewan. Sa totoo lang simula pa noon, komportable ako sa English. Siguro kasi yun yung paborito kong subject mula pa nung Grade 3 ako.

Kahit ngayon, habang tinatype ko 'to, parang automatic nagtatranslate ang utak ko. As in. Overdrive. Di talaga siya sanay. Wala lang.

* * *

Dati tinanong ng Linguistics professor ko, kapag nag-iisip ba tayo, may lengwahe? Nakalimutan ko na yung sagot dun. Meron nga ba? Kung wala, bakit pag nasa utak ko, "neutral" ang mga konsepto, bakit pagdating sa pag-eexpress, kailangan kong pumili ng lengwahe?

English? Filipino?

At ngayon... Mandarin?

Nakakaloka.

* * *

Yung unang kopya ko ng Stainless Longganisa, naiwan ko sa seat pocket ng Cebu Pacific mga isang buwan na ang nakalipas. Kasi gwapo talaga yung flight attendant nun. Siguro kaya ko naiwan. Hehe.

Pero bago ako tumulak ng China, sinigurado kong bumili ulit ng librong yun. Maganda kasi. Kinukwento ni Bob ang mga pinagdaanan niya bilang manunulat.

* * *

Madaming beses ko narin pinagdudahan ang pagiging "writer" ko. Noon, feel na feel ko yun. Nagsimula yang lahat nung grade 6 ako. First time namin magkaroon ng school organ nun at tuwang tuwa ako. Gustong gusto kong sumali. Naalala ko pa nga gumawa pa talaga ako ng article nun na gusto kong ipasa. Kaya lang pang high school lang ata yun nun.

Kaya sumali nalang ako sa "Young Writers Club." Hindi ko na maalala kung dahil ba yun sa kagustuhan kong magsulat o talagang wala na kong masalihan na club noon. Pero naaalala ko pa yung first meeting namin. Naglaro kami ng game na parang dugtong-dugtong ang kwento. One sentence per member. Nakalimutan ko na nga lang kung ano ang topic nun.

Tapos, lumipat ako nung high school. Dunsa nilipatan ko, established na ang school paper. Pero hindi pa pwede sumali ang mga freshmen. Kaya ayun, sablay nanaman. Sumali ako sa isang English club, hindi ko na maalala kun reading o writing club yun, pero ang naaalala ko kaisaisa akong freshman dun.

Kaya tinyaga ko nalang din ang pagsali sa mga essay-writing at poem-writing contests. Kahit anong topic, sinasalihan ko. History, Science, Christian Living, pati yata nung foundation day namin may ganung pa-contest at sinalihan ko rin. Kaya nang maging sophomore ako, talagang tahasan na akong nag-apply sa school paper. Ayun, awa ng Diyos ay nakapasok naman.

Tuloy-tuloy na yan hanggang naging kung ano anong editor narin ako pagsampa ko ng 4th year. Kaya siguro pakiramdam talaga ng mga tao e "writer" ako. At minsan, kahit ako napapaniwala na "writer" nga ako. Pero may mga pagkakataon din na nauunahan ako ng duda at pagkawala ng kompiyansa sa sarili.

* * *

Naging madali sa akin ang pagsusulat. Kunwari magpapagawa ng theme paper ang teacher, yakang yaka ko yun. Kahit tula, pag binibigyan kami ng topic, mabilis lang sa kin yun. At naging prueba naman na pwede na ang mga nasulat ko, ay ang grades na natatanggap ko. Hindi naman ako nagkaroon ng line of 7 nun sa mga naisulat ko.

Pero para sakin, ang pinakamalaking hamon ng pagsusulat ay yung kapag walang nagsasabi sayo kung tungkol saan ang isusulat mo. Kasi ang pagsusulat, para sakin, halong "skill" at "talent" -- skill, dahil naituturo at natututunan ito; talent, dahil may aspeto ang pagsusulat na bigay ng Diyos at hindi napag-aaralan. At sa "talent" pumapasok ang pag-iisip kung tungkol saan ba ang isusulat mo, kapag wala nang teacher o editor o propesor na nagbibigay sa iyo ng assigned topic.

Kaya minsan talaga, napag-iisip ako. Ang pagsusulat ko ba ay "skill" lamang na natutunan ko sa eskwelahan, o may halo ring "talent"? At kung may "talent" man... nasaan ang "talent" na yun ngayon?

* * *

Sa totoo lang, gusto kong makilala si Bob Ong. Hindi dahil celebrity na siya, o dahil naka-limang libro na siya, pero dahil interesante ang mga pananaw niya sa buhay. Salungat man ang iba nun sa mga sarili kong pananaw, hindi ba't yun ang mga bagay na masarap pag-usapan? Yung mga tipong, wala lang, wala kayong magawa, kaya ang pinagdiskitahan niyo nalang e intelligent conversation. O kaya kahit conversation lang, hindi na kailangang intelligent.

Kaya Bob, kung nasan ka man, kwentuhan naman tayo minsan.

(At kung may nagbabasa nito na kakilala ang totoong Bob Ong, ipakilala niyo din ako... Salamat.)

* * *

Ito ang bagay na pinaka-ayaw ko pag wala ako sa Pilipinas. Ang kawalan ng kausap.

Matagal ko nang napagtanto na mahirap talaga ang walang kausap. Nawawalan ng direksiyon ang pag-iisip mo. Nakakapurol din ito ng utak, dahil kulang ka na sa exercise. At higit sa lahat, nakakapanis ng laway.

Kaya delikado.

No comments:

Post a Comment